Inanunsyo ng Department of Education (DepEd) na isasagawa sa mga paaralan sa buong bansa ang “Nationwide Simultaneous School Safety Drill for Active Attack Incidents,” sa darating na Martes, Agosto 25.
Sa pakikipagtulungan ng Disaster Risk Reduction and Management Service (DRMMS) sa DepEd regional at division offices, inaatasang makiisa ang lahat ng pampubliko at pampribadong elementary at secondary na mga paaralan sa school safety drill batay sa kanilang localized School Contingency Plan for Active Attack Incidents.
Ang direktibang ito ay kasunod ng mga nakaaalarmang shooting incidents sa mga paaralan sa loob at labas ng bansa.
Layon din nitong tiyakin ang kaligtasan ng mga paaralan habang pinatatatag ang kahandaan ng mga learning environment na ito sa pamamagitan ng preventive planning, capacity building, at emergency response measures.
Sa nasabing memo, binanggit na nakatakdang simulan ang simultaneous school safety drill ng 9:00 AM sa Agosto 25.
Ang mga paaralang hindi makakapagsagawa ng kanilang safety drill sa Agosto 25 ay inaabisuhang magsabi sa kanilang Division DRRM Coordinator.
Sa mga paaralang nakapagsagawa na ng sarili nilang safety drill bago ang Agosto 25 ay hindi na inoobligang umulit at maaari nang dumiretso sa pagsusumite ng kanilang documentary requirements sa pamamagitan ng online submission form.
Samantala, ang nabanggit na online submission form ay naglalaman ng mga sumusunod na detalye:
- Accomplished Nationwide Simultaneous School Safety Drill for Active Attack Incidents evaluation form.
- Means of Verification (MOVs) kasama ang photo at video documentation ng drill.
- Updated na School Contingency Plan for Active Attack Incidents.