Ni Czarina Nicole O. Ong

Nag-plead na ‘not guilty’ si dating Philippine National Police (PNP) Chief Director Alan Purisima sa lahat ng walong kasong perjury na isinampa laban sa kanya sa Sandiganbayan Second Division.

Ang mga kaso ay kaugnay sa hindi niya pagdeklara ng mga ari-arian ng kanyang misis na si Maria Ramona Lydia Purisima, sa kanyang Statement of Assets Liabilities and Net Worth (SALN) para sa taong 2006 hanggang 2009, at noong 2011 hanggang 2014.

Matapos ang kanyang arraignment, inaprubahan ng Sandiganbayan ang mosyon ni Purisima na makapagbiyahe sa Biloxi, Mississippi, United States simula Abril 23 hanggang Mayo 9. Inutusan siya ng korte na magbayad ng P96,000 travel bond.

‘It’s really my second life!’ Ivana Alawi halos agaw-buhay sa ospital

May nakabitin ding kasong graft at usurpation si Purisima sa Fourth Division kaugnay sa palpak na operasyon ng pulisya sa Mamasapano, Maguindanao noong 2015, na nagresulta sa pagkamatay ng 44 SAF troopers, at graft sa Sixth Division kaugnay sa maanomalyang PNP courier service noong 2011.