SA mahigit isang taong pamamayagpag ng Ika-6 Na Utos sa ere, maituturing na huwaran ang naging karakter ni Sunshine Dizon bilang si Emma sa mga manonood dahil hindi siya sumuko kundi ipinaglaban hanggang sa huli ang kanyang karapatan.
Kaya naman may payo si Sunshine sa mga taong kinakaharap ang naging sitwasyon ni Emma.
“Unahin mong mahalin ang sarili mo at magpakatibay ka pa lalo. Huwag kang susuko. Mahalin mo ang mga tao na naiwan sa ‘yo at gawin mo silang inspirasyon para mas ayusin ang buhay mo. May mga bagay sa buhay na dapat ipaglaban pero kung tingin mo ay hindi na makakabuti para sa ‘yo ay matuto kang magpaubaya sa Diyos. Walang pagsubok na ibibigay sa atin na hindi natin kakayanin. Isang araw gigising ka at sasabihin mo sa sarili mo na kaya ko pala, kaya ko pala mag-isa at hindi ko sila kawalan,” magandang sabi niya.
Pero sa nalalapit na pagtatapos ng Ika-6 Na Utos, happy ending na nga ba ang naghihintay sa buhay nina Emma, Rome (Gabby Concepcion) at Sydney?
O baka naman may pahabol pang pasabog si Georgia (Ryza Cenon)? We never know. Iba rin kasi ang Ika-6 Na Utos sa rami ng twists. Kaya tiyak na lalo pang tututok ang mga Kapuso sa finale week ng No. 1 daytime drama simula ngayong Lunes (Marso 12-17) sa GMA Afternoon Prime.