Navymen, nag-1-2-3 sa Stage Five ng LBC Ronda Pilipinas

navy copy

SAN JOSE, Nueva Ecija – Kung may plano pa ang iba para mapigil ang Navy-Standard Insurance sa overall team title, ngayon ang panahon para simulan ang tunay na pakikibaka.

Mula sa isang araw na pahinga, nakapaghanda nang husto ang defending team champion at matikas na winalis ang podium, sa pangunguna ni El Joshua Carino sa Stage Five ng 2018 LBC Ronda Pilipinas kahapon na humimpil sa harap ng Pamahalaang Panglungsod ng San Jose, Nueva Ecija.

Putol na ang sumpa! UST tinapos na ang 9 taon losing streak sa Ateneo

Mula sa unang bugso nang hatawan, kasama ang 24-anyos na si Carino. Pinangunahan niya ang ratsada sa huling anim na kilometro at nakakuha nang sapat na suporta sa kasanggang sina red jersey leader Ronald Oranza at defending two-time champion Jan Paul Morales.

Magkakasabay na tinawid ng tatlo ang finish line sa tyempong apat na oras, anim na minuto at 58 segundo.

Bunsod ng dominasyon, napalawig ng Navy ang bentahe sa overall team race nang mahigit sa 30 minuto tangan ang kabuuang oras na 70:54:59. Ang Go for Gold Developmental Team ay nakabuntot sa oras na 71:24:25. Nanatili sa ikatlo ang Philippine Army-Bicycology Shop (71:41:45) sa cycling marathon na itinataguyod ng LBC, sa pakikipagtulungan ng MVP Sports Foundation, Filinvest, CCN, Petron, Versa.ph, 3Q Sports Event Management, Inc., Boy Kanin, Franzia, Standard Insurance, Bike Xtreme, SH+, Guerciotti, Prolite, Green Planet, Maynilad, NLEX Sports, Lightwater, LBC Foundation at PhilCycling.

Nanatili rin sa No.1 sa individual classification si Oranza na may kabuuang oras na 17:40:13, kasunod si Morales, halos limang minuto ang layo sa tyempong 17:45:12.

Nasa pangatlo si Jay Lampawog ng Go for Gold Development (17:48:56), kasunod si Pfc. Cris Joven ng Army-Bicycology (17:51:16), at Ronald Lomotos ng Navy-Standard (No. 5, 17:51:35).

Kasama rin sa top 10 sina CCN Superteam’s Irish Valenzuela (17:52:34), Go for Gold Developmental’s Ronnel Hualda (17:52:34), Navy-Standard’s John Mark Camingao (17:54:26) at Rudy Roque (17:55:04) at Team Franzia’s Leonel Dimaano (17:55:10).

Kilala bilang mountain-climber, nakuha ni Carino ang unang stage win ngayong season at ikaapat sa kabuuan ng career sa Ronda. Siya rin ang ikatlong Navyman na nanguna sa podium ngayong edisyon. Nakuha ni Oranza ang unang dalawang stage, habang napagwagihan ni Morales ang Stage Four. Tanging si Pfc. Cris Joven ng Philippine Army-Bicycology ang ibang rider na nakasingit (Stage Three).

“Mas tumibay ang laban namin. Nasa top 2 sina (Oranza at Morales) at nakakuha ako ng isang stage win,” sambit ni Carino, ipinagmamalaking anak ng Mangaldan, Pangasinan.

Iginiit naman ni Oranza na sapat na ang kanilang ginawa sa 179.4-km Stage Five, hindi lamang para mapalawig ang sariling bentahe, bagkus mabigyan ng pagkakataon ang mga kasangga na makaiskor sa individual classification.

“Maganda ito para sa team. Hindi na mahalaga kung hindi ako ang stage winner, importante bahagi ng team naming.

Tulungan kami at ito ang kailangan para makuha naming ang team title,” sambit ni Oranza, target ang unang titulo sa Ronda.

Mananatili ang red jersey kay Oranza sa pagtulak ng 111.8km Stage Six ngyaon simula sa San Jose City Hall hanggang sa Tarlac Provincial Capitol.