Ni Fer Taboy
Puspusan ngayon ang imbestigasyon ng Dauis Municipal Police sa Bohol kaugnay ng pamamaril ng apat na nakasuot ng bonnet sa isang pulis at sa isang babaeng bantay sa sabungan sa Dauis, Bohol nitong Huwebes ng hapon.
Kinilala ng pulisya ang mga biktimang sina PO2 Zandro Zamora, absent without official leave (AWOL), ng Barangay Taloto, Tagbilaran City; at Paterna Acuña, bantay sa gate ng New Dauis Cockpit Arena sa Purok 2.
Ang insidente, ayon sa pulisya, ay nangyari sa mismong gate ng sabungan.
Natukoy sa imbestigasyon na apat na armadong lalaki na nakasuot ng bonnet ang dumating sa sabungan at nang papasok na ang mga ito sa gate ay hinarang sila ni Zamora.
Dahil dito, pinagbabaril ng mga suspek si Zamora at nadamay sa insidente si Acuña.
Kaagad na nasawi ang mga biktima dahil sa mga tinamong tama ng mga bala sa kanilang katawan.
Narekober ng pulisya sa pinangyarihan ng krimen ang isang maliit na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalaang shabu, P348 cash, at isang cellular phone.
Natuklasan sa record ng pulisya na nag-AWOL si Zamora bilang pulis at iniimbestigahan pa kung kinalaman sa ilegal na droga ang pagkakapaslang dito.