Ni NORA CALDERON
HAPPY birthday kay Bianca Umali na isa nang debutante, na matagal din niyang pinangarap.
Pero hindi pa ngayong mismong kaarawan niya, March 2, ang kanyang debut kundi sa March 17 pa sa isang hotel. Wala pang kumpletong detalyeng sinabi si Bianca nang makausap ng press sa set visit sa top-rating primetime drama niyang Kambal Karibal sa GMA-7.
Nakahingi si Bianca ng four-day leave sa production at kay Direk Don Michael Perez para pumunta ng Sorsogon with her family at doon nila isi-celebrate ang kanyang birthday. Dual celebration daw iyon dahil ikakasal naman ang pinsan niya roon. Susulitin na niya ang bakasyon niya.
Ngayong 18 years old na si Bianca, tatanggap na siya ng mature roles?
“Depende po kung ano ang ibibigay na role sa akin ng GMA, hindi po ako namimili ng role,” sagot ng dalaga. “Saka depende rin po sa lola ko kung papayagan niya ako na gumanap na sa more mature roles.”
Pabirong tanong namin kay Bianca, hindi ba siya nagrereklamo na lagi siyang umiiyak sa mga eksena niya kanilang series gabi-gabi?
“Hindi po naman, sanay na po ako sa ganitong role, simula pa noong gumawa ako ng mga drama series. Medyo nakaka-drain din po kapag umaga pa lang umiiyak na ako, pero trabaho po iyon.”
Abangan na lang daw ang mga susunod pa nilang eksena sa Kambal Karibal dahil marami pang mangyayari. Nagpasalamat si Bianca sa masusugid niyang tagasubaybay dahil muli silang na-extend. Napapanood ang show nila gabi-gabi pagkatapos ng Sherlock, Jr.