Ni Light A. Nolasco
RIZAL, Nueva Ecija - Aabot sa 31 magsasaka ang nalason umano sa kinain nilang Halo-halo sa isang plantasyon ng sibuyas sa Rizal, Nueva Ecija, nitong Miyerkules ng umaga.
Isinugod ang mga biktima sa J. Garcia Memorial Research and Medical Center nang makaramdam sila ng pagkahilo, matinding antok, at pagsusuka.
Sa salaysay ni Rene Boy Pisyar, 34, may asawa, onion worker, ang nasabing Halo-halo ay inihain sa kanila ng may-ari ng plantasyon na si Lina Guting, 34 anyos.
Iniimbestigahan pa ng pulisya ang insidente upang matukoy ang pinag-ugatan ng umano’y food poisoning.
Nagpadala na rin ng sample ng ingredients ng Halo-halo sa Nueva Ecija Provincial Crime Laboratory Office (NEPCLO) upang matukoy kung ito ang sanhi ng pagkalason ng mga magsasaka.