Ni Gilbert Espeña
LUMIKHa ng malaking upset sa United States si Filipino journeyman Rey Perez matapos talunin ang sumisikat na Amerikanong si Christian Gonzalez nitong Pebrero 22 sa Fantasy Springs Casino, Indio, California.
Alagang boksingero si Gonzalez ni Golden Boy Promotions big boss Oscar de la Hoya pero lumalabas na kontrapelo niya ang mga Pinoy boxer dahil nakalasap siya ng unang pagkatalo nang patulugin sa 2nd round ni Filipino lightweight Romeo Duno noong Marso 19, 2017 sa Belasco Theatre, Los Angeles, California para matamo ng Pilipino ang bakanteng WBC Youth Intercontinental lightweight belt.
Beterano si Perez ng malalaking laban sa Japan, Mexico, US at Argentina at ilan sa mga nakalaban niya sina dating WBA super flyweight champions Hugo Fidel Cazares ng Argentina at Nobuo Nashiro ng Japan, two-time world title challenger Chris Avalos ng US at WBO super bantamweight champion Jessie Magdaleno ng Mexico.
Napaganda ni Perez ang kanyang kartada sa 22 panalo, 9 na talo na may 6 pagwawagi sa knockouts samantalang bumagsak si Gonzalez sa 18 pagwawagi, 2 talo na maay 15 panalo sa knockouts.