Nabuo na bilang isang tropical depression ang low-pressure area na namataan sa silangan ng Northeastern Mindanao, ayon sa pinakahuling abiso ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Martes, Mayo 26, 2025.
Batay sa 5:00 PM advisory ng ahensya, huling namataan ang sentro ng sama ng panahon sa layong 1,360 kilometro silangan ng Northeastern Mindanao, nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 45 km/h malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 55 km/h. Halos hindi rin umano ito gumagalaw sa kasalukuyan.
Ayon sa PAGASA, posible itong pumasok sa PAR sa Huwebes ng hapon o gabi at tatawaging “Domeng” kapag tuluyang nakapasok sa bansa.
Inaasahan ding lalakas pa ito at maaaring maging ganap na bagyo pagsapit ng Sabado habang nasa Philippine Sea.
Bagama’t mababa ang posibilidad na mag-landfall ito sa bansa, maaari umano itong dumaan malapit sa Extreme Northern Luzon kung saan posibleng magtaas ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 1.
Nagbabala rin ang PAGASA na maaaring maglabas ng gale warning sa weekend lalo na sa mga baybaying lugar sa hilagang bahagi ng Luzon.
Samantala, inaasahan ding palalakasin ng tropical cyclone ang southwest monsoon o habagat pagsapit ng Sabado na maaaring magdulot ng mga pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa.
Pinapayuhan naman ng PAGASA ang publiko at mga lokal na disaster risk reduction offices na patuloy na mag-monitor ng mga update hinggil sa sama ng panahon.