Ni Mary Ann Santiago

Patay ang isang 43-anyos na driver habang sugatan ang isang barangay executive officer matapos bistayin ng bala ng apat na hindi kilalang suspek ang sinasakyan nilang sports utility vehicle (SUV) sa Tondo, Maynila, kahapon ng umaga.

Dinala sa pagamutan si Harold “Chime” Padilla, nasa hustong gulang, barangay executive officer sa Malabon, habang minalas na bawian ng buhay ang driver niyang si Christopher Roloque, ng Malabon City.

Sa inisyal na ulat ni SPO3 Bernardo Cayabyab, ng Manila Police District-Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), dakong 9:55 ng umaga nang mangyari ang pananambang sa New Antipolo Street, kanto ng Solis Street sa Tondo.

Eleksyon

Sen. Risa, masaya sa nagiging resulta ng eleksyon: 'Lumalakas na ang totoong oposisyon!'

Sakay umano ang mga biktima sa Toyota Innova (WSI-371), kasama si Irene, misis ni Padilla, nang biglang paulanan ng bala ng apat na suspek ang kanilang sasakyan, bago mabilis na tumakas.

Kaagad namang isinugod sa pagamutan ang mga biktima ngunit minalas na nasawi si Roloque, samantalang himalang nakaligtas sa pamamaril si Irene.

Iniimbestigahan na ang motibo sa ambush.