Ni FRANCIS T. WAKEFIELD, ulat ni Vanne Elaine P. Terrazola

Isinusulong ng mga grupo ng civil society sa Jolo, Sulu ang pagsasabatas ng kontrobersiyal na Bangsamoro Basic Law (BBL) bilang kasagutan umano sa matagal na nilang hinahangad na kapayapaan sa Mindanao.

“We are pushing for the passage of the BBL because we are (longing) for a genuine peace,” diin ni Prof. Sahie Udja, ng Mindanao State University (MSU), sa idinaos na information and education campaign kaugnay ng BBL nitong Miyerkules.

Katwiran ni Udja, masasaklawan ng lahat ng napagkasunduan sa pagitan ng pamahalaan at ng Moro fronts ang mga probisyon ng bagong bersiyon ng BBL na ipinonente ng 21 miyembro ng Bangsamoro Transition Commission (BTC).

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa panig naman ni Al-Khalifa Jilah, ng Consortium of Bangsamoro Civil Society, ang pagtatatag ng gobyernong Bangsamoro ay susuporta sa economic conditions ng mamamayan ng Sulu.

“Because peace and order will be addressed especially in the island province. We are calling for the members of Congress and Senate to be sincere in the peace process and pass the BBL,” apela ni Jilah.

Nilinaw naman ni Rohana Elias, ng Kapatud Bangsamoro, na kinakailangan nang maisabatas BBL para maipatupad na ang mga kinakailangang pagbabago sa Mindanao. 

“This is for the future of the youth. We will actively campaign for the passage of the BBL,” sabi pa niya.

Tiniyak naman kahapon ni Presidential Adviser on Peace Process Secretary Jesus Dureza na nananatiling prioridad ni Pangulong Duterte ang maaprubahan ang BBL kaysa federalism.

Sa pagdinig ng Senado sa usapin na isinagawa kahapon sa Basilan State College sa Lamitan City, Basilan, sinabi ni Dureza na naninindigan ang Presidente sa apela nito sa Kongreso na ipasa kaagad ang BBL bago pa maging federal ang sistema ng pamahalaan sa bansa.

“I give you the assurance of our President. He told me to prioritize BBL while we are working on federalism,” sinabi ni Dureza sa mga taga-Basilan na dumalo sa pagdinig.

Kaugnay nito, ibinasura naman ng mga senador ang panukalang batas na nagsusulong na sakupin ng bansa ang Sabah sa Malaysia, alinsunod na rin sa panukalang Bangsamoro region.

Napagkasunduan nina Senators Juan Miguel Zubiri at Juan Edgardo Angara na huwag nang isama ang Sabah sa saklaw ng BBL, dahil “inililihis lamang umano nito ang usapin”.

“They want to include the Sabah claim in the BBL, but it’s complicated. With all due respect to all our brothers and sisters, this might have an international implication,” sabi pa ni Zubiri.