Ni Orly L. Barcala
Magkahiwalay na inaresto ang dalawang lalaki makaraang magbayad ng pekeng P1,000 bill sa ilang establisimyento sa Valenzuela City.
Dakong 10:00 ng umaga nitong Sabado nang nadakip si Antonio “Tony” Develleres, 48, ng Ambaclao Street, Barangay Baesa, Quezon City, makaraang umorder ng pagkain sa isang fast food chain sa Mac Arthur Highway sa Karuhatan Market, Bgy. Karuhatan, at nagbayad umano ng pekeng P1,000 bill.
Matapos masuklian ng mahigit P900 ay kagaad umanong umalis ang suspek nang hindi nakuha ang order, bago dumiretso sa isa pa at katabing fast food chain. Napansin naman ng cashier ng naturang kainan na peke ang ipinambayad na pera ni Develleres, na ipinarating sa security guard kaya inaresto ang suspek.
Sa imbestigasyon ay sinabi ng suspek na isang alyas “Botchok” na taga-Marulas ang nagsu-supply umano sa kanya ng pekeng pera.
Samantala, nadakip naman sa Valenzuela Cockpit Sports Arena sa Mac Arthur Highway, Valenzuela City, si Serling Padua, 35, ng Bgy. Potrero, Malabon City dahil pagbabayad ng P1,000 para sa P150 entrance fee sa establisimyento bandang 10:00 ng umaga nitong Linggo.
Napansin umano ng kahera na peke ang pera kaya tumawag ng barangay tanod na dumakip kay Padua.
Kakasuhan ng estafa at paglabag sa Article 168 ng Revised Penal Code o illegal possession and use of false treasury/bank note ang mag suspek, habang dinala sa Bangko Sentral ng Pilipinas ang mga pekeng pera.