Ni Kate Javier
Pinagbabaril ang isang tricycle driver, na dating bilanggo, ng hindi pa nakikilalang lalaki na sakay sa motorsiklo sa Caloocan City, nitong Sabado ng gabi.
Ayon sa imbestigador na si PO1 John Ree Bello, dead on the spot si Roberto Alarcon, 44, ng Barangay 176 sa Bagong Silang, dahil sa mga tama ng bala sa likod at kaliwang braso.
Minamaneho ni Alarcon ang kanyang tricycle sa Langit Road nang pagbabarilin ng armadong nakamotorsiklo, dakong 8:00 ng gabi.
Narekober sa pinangyarihan ang limang basyo ng bala ng hindi batid na kalibre ng baril.
Sinabi ni Bello na hindi sangkot sa kahit anong ilegal na aktibidad si Alarcon.
Gayunman, ayon sa misis ni Alarcon, mayroong kaaway ang biktima na minsan nang nanakot ng baril.
Bukod diyan, sinabi ni Sr. Inspector Dennis Odtuhan na si Alarcon ay nahaharap noon sa kasong frustrated homicide.
Nagsasagawa na ng follow-up investigation upang makilala at maaresto ang suspek.