Ni Bella Gamotea, at ulat ni Jun Fabon
Nirapido ng bala at napatay ng hindi pa nakikilalang suspek ang isang lalaki na pinaniniwalaang pinagbintangang nagsimula ng sunog sa Taguig City, kung saan limang katao ang nasugatan, apat sa mga ito ay paslit, habang 150 pamilya naman ang nawalan ng tirahan, nitong Miyerkules ng gabi.
Pinagbabaril at pinatay ng hindi pa nakikilalang armado si Fruto Sta. Cruz, nasa hustong gulang, residente sa Sitio Maliwanag, Barangay Western Bicutan, matapos mapagbintangang nasa likod ng sunog.
Sinasabing napabayaang sinaing ang sanhi ng sunog at ito ay nagmula umano sa bahay ni Sta. Cruz, kaya siya pinagbabaril.
Sa inisyal na ulat ng Taguig City Police, nangyari ang pamamaril pasado 1:30 ng madaling araw.
Sa pahayag ng mga residente sa lugar, nakarinig sila ng sunud-sunod na putok ng baril hanggang sa natagpuang patay at naliligo sa sariling dugo ang biktima.
Ayon sa pamangkin ni Sta. Cruz, na hindi binanggit ang pangalan, sigurado siyang konektado sa sunog ang pamamaril sa kanyang tiyuhin.
Narekober ng mga pulis ang anim na basyo ng bala sa tabi ng bangkay ng biktima.
Limang katao naman ang nasugatan sa nasabing sunog, at kasalukuyang ginagamot sa Taguig-Pateros District Hospital sina Florenda dela Peña, 45; Jeralyn Tinaga, 9; Arturo Sebial, 7; Aldrin Sebial, 5; at Frenlyn Sebial, 4.
Sa ulat ng Taguig City Fire Department, nagsimula ang apoy sa AFPRSDS Compound Staging sa Sitio Maliwanag at nilamon ang 80 bahay bandang 5:26 ng hapon.
Iniulat na umabot sa ikaapat na alarma ang sunog bago naapula dakong 8:22 ng gabi, habang patuloy na inaalam ang kabuuang halaga ng natupok na ari-arian.
Samantala, sa Quezon City, nasa 150 pamilya rin ang nasunugan sa pagsiklab ng apoy sa residential area sa Diliman, Bgy. Old Balara, kahapon ng madaling araw.
Sa report ni Quezon City Fire Marshal Senior Supt. Manuel M. Manuel, nagliyab ang bahay ng isang Alfredo Mayor na matatagpuan sa Zuzuarregui Street, corner Commonwealth Avenue sa Bgy. Old Balara, dakong 2:30 ng madaling araw.
Sinasabing jumper ng kuryente ang sanhi ng sunog na tumupok sa P500,000 halaga ng ari-arian.