Ni Orly L. Barcala

Pinag-iingat ng Caloocan City barangay officials ang mga residente, lalo na ang mga may sasakyan, dahil sa paggala ng kung tawagin nila ay “bampira” dahil sa paninipsip ng gasolina.

Isa sa mga biktima ang tricycle driver na si Lito Abubo, 55, ng Barangay 138 ng nasabing lungsod.

Sa kuha sa closed-circuit television (CCTV) camera sa tanggapan ni Barangay Chairman Eduardo Bade, kitang-kita ang isang lalaki na pagala-gala sa lugar sa dis-oras ng gabi.

National

Sa kalagitnaan ng pagkahimatay: Medialdea, si FPRRD pa rin iniisip

Pasimple itong lumapit sa tricycle at gamit ang galon at maliit na hose, sinipsip nito ang gasolina ng sasakyan hanggang sa maubos.

“Full thank palagi ang gasolina ng tricycle ko ‘pag gumarahe ako, kung sino ka mang hinayupak ka lumaban ka ng parehas at magbanat ng buto,” galit na pahayag ni Abubo.

Ayon sa mga barangay officials, hindi ito ang unang pagkakataon na ninakawan ng gasolina ang mga sasakyang nakaparada sa gilid ng kalsada sa lugar.

Inaalam na ng awtoridad kung sino ang nasa likod ng pagnanakaw.