GS Warriors, pinusuko muli ang Cavs; Bucks at Bulls, umatake.

CLEVELAND (AP) – Bumalikwas ang Golden State Warriors na mas may tapang sa third period at nanindigan sa matinding girian sa krusyal na sandali para pataubin ang Cavaliers, 118-108, nitong Lunes (Martes sa Manila).

Pinangunahan ng dalawang MVP na sina Stephen Curry at Kevin Durant ang pag-arya ng Warriors sa unang 12 minuto ng second half, 36-27, tungo sa ikatlong sunod na panalo.

Tangan ng Cavaliers ang 44-35 bentahe sa second period at natapos ang first half na protektado ng pitong puntos na kalamangan. Tulad nang nakalipas na laro, mas determinado ang Warriors sa third period na naging sandigan para sa scoring run at makontrol ang tempo ng laro.

Mentor era? John Amores, nagtuturo na ng 'shooting skills' sa aspiring players

Nagsalansan si Durant ng 32 puntos mula sa 9-of-16 shooting, habang kumana si Curry ng 23 puntos sa 8 for 15, para sa ika-36 panalo ng Warriors sa 45 laro. Nag-ambag sina Klay Thompson at Draymond Green ng 17 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Sadsad naman ang Cavaliers sa ikaapat na sunod na kabiguan para sa 26-176 marka. Nanguna si LeBron James sa Cavs na may 32 puntos mula sa 12 of 18 shooting, habang tumipa si Isaiah Thomas ng 19 puntos at kumubra si Kevin Love ng 17 puntos.

BUCKS 104, WIZARDS 95

Sa Washington, hataw si Giannis Antetokounmpo sa naiskor na 27 puntos at career-high 20 rebounds para sandigan ang Milwaukee Bucks sa dominanteng panalo kontra Wizards.

“It’s not important,” pahayag ni Antetokounmpo patungkol sa kanyang 20 rebounds. “I was just in the right spot, and the ball just came into my hands.”

Nanguna sa Wizards si John Wall sa natipang 27 puntos, habang kumana si Kelly Oubre ng 19 puntos mula sa bench.

“He was all over the floor tonight,” pahayag ni Eric Bledsoe hingil sa hiyawan na MVP! para kay Antetokounmpo na tinaguriang ‘Greek Freak’.

BULLS 119, HEAT 111

Sa Chicago, nasundan ang matikas na pagbabalik-aksiyon ni Zach LaVine sa nakubrang 18 puntos, habang tumipa ng 25 puntos, tampok ang pitong three-pointer si Justin Holiday sa panalo ng Bulls kontra Miami Heat.

Naglaro si LaVine sa ikalawang sunod mula nang mapahinga ng 11 buwan bunsod ng ACL injury bago pa man siya ipinamigay sa Bulls ng Minnesotta kapalit ni Jimmy Butler. Kumana siya ng 14 puntos sa debut sa Chicago nitong Sabado laban sa Detroit. Nakopo ng Bulls ang ikatlong sunod na panalo at ika-14 sa huling 21 laro.

Naitala naman ni Nikola Mirotic ang 18 puntos sa fourth quarter para patatagin ang Bulls laban sa scoring run ng Heat na nakadikit sa 100-105 mula sa three-pointer ni James Johnson may 3:39 ang nalalabi sa laro.

Naisalpak ni Holiday ang dalawang jump shot at dalawang free throws, habang tumipa si rookie Lauri Markkanen ng three-pointer para patatagin ang bentahe ng Chicago. Kumubra si Markkanen ng 17 puntos at siyam na rebounds.

Nag-ambag si Goran Dragic ng 22 puntos sa Heat, habang humugot sina Kelly Olynyk ng 21 puntos at walong assists at si Wayne Ellington na may 20 puntos.

GRIZZLIES 123, LAKERS 114

Sa Memphis, Tennessee, walong Grizzlies, sa pangunguna ni Dillon Brooks na may 19 puntos, ang tumipa ng double digits para pataubin ang Los Angeles Lakers.

Nagsalansan si Marc Gasol ng 17 puntos at pitong rebounds, habang humirit sina Tyreke Evans ng 15 puntos at 12 assists, gayundin sina Wayne Selden at James Ennis III na may tig-13 puntos.

Natuldukan ang four-game winning streak ng Lakers. Sumabak sila na wala sina Lonzo Ball, nagtamo ng injury sa kaliwang tuhod nitong Sabado laban sa Dalllas, at Brandon Ingram na may sprained sa kaliwang paa.

Ratsada si Kentavious Caldwell-Pope sa Lakers sa naharbat na 27 puntos, habang kumana sina Kyle Kuzma ng 18 puntos at humirit si Josh Hart ng 16 puntos para sa Lakers.

Sa iba pang laro, diniskaril ng Charlotte Hornets ang Detroit Pistons, 118-107; dinagit ng Atlanta Hawks ang San Antonio Spurs, 102-99; ginapi ng Philadelphia Sixers ang Toronto Raptors, 117-111, giniba ng Indiana pacers kontra Utah Jazz, 109-94; at pinaluhod ng Oklahoma City Thunder ang Sacramento Kings, 95-88.