Ni KATE LOUISE B. JAVIER
Isang pulis-Quezon City at isa pang lalaki ang naaresto makaraang maaktuhan umanong bumabatak ng shabu sa loob ng isang umano’y drug den sa Caloocan City nitong Sabado ng gabi.
Inaresto ng mga awtoridad si PO1 Ramil Daludado, 36, na nakatalaga sa Quezon City Police District (QCPD) Admin Holding Unit bago nag-AWOL (absence without leave) noong 2017, at residente ng Caloocan City.
Dinakip din ang kasama ni Daludado na si Theodoro Borne, 21, helper, ng Caloocan City.
Nagsasagawa ng Oplan Galugad ang mga operatiba ng Police Community Precinct 1 nang maaktuhan umano sina Daludado at Borne habang sumisinghot ng shabu sa loob ng isang drug den sa 2nd Avenue sa Barangay 120, bandang 7:30 ng gabi, ayon kay Caloocan City Police chief Senior Supt. Jemar Modequillo.
Sinasabing nasamsam mula sa dalawa ang isang heat-sealed plastic sachet ng hinihinalang shabu at drug paraphernalia.
Nabatid na sinabi umano ni Daludado sa mga pulis na gumamit lamang siya dahil sa “curiosity”, at hindi umano niya alam na shabu pala iyon.
“Sino’ng maniniwala sa katwiran niya?” ani Modequillo.
Napag-alaman kalaunan na dalawang beses nang na-AWOL si Daludado dahil sa problemang pampamilya. Ang una ay noong 2013, nang nakatalaga pa ito sa QCPD Public Safety Battalion.
“Nang bumalik siya sa serbisyo noong 2016, na-reassign siya sa Admin Holding Unit. Tapos na-AWOL na naman siya pagkatapos ng isang taon,” sabi ni Modequillo.
Samantala, inamin naman umano ni Borne na dalawang taon na siyang gumagamit ng droga.
Kakasuhan sina Daludado at Borne ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act o RA 9165.