Ni Bella Gamotea
Nasa 36 na pamilya ang nawalan ng tirahan sa sunog na sumiklab sa residential area na katabi lang ng isang eskuwelahan sa Parañaque City, nitong Sabado ng gabi.
Sa inisyal na pagsisiyasat ni FO1 Jenive Sadaya, ng Parañaque Fire Department, sumiklab ang apoy sa isang bahay sa Talise Street sa Barangay San Dionisio, malapit sa Parañaque National High School, dakong 6:07 ng gabi.
Mabilis na kumalat ang apoy at nadamay sa pagliliyab ang 12 bahay.
Umabot sa ikatlong alarma ang sunog bago naapula pasado 7:00 ng gabi.
Wala namang naiulat na nasaktan o namatay sa insidente, bagamat umabot sa 36 na pamilya ang naapektuhan.
Nagdulot din ng bahagyang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa Dr. A. Santos Avenue ang sunog nang mabarahan ng mga rumespondeg fire truck ang kalsada.
Pansamantalang nanunuluyan sa covered court ng barangay ang mga nasunugan.
Patuloy pang inaalam ang sanhi ng sunog.