Ni Bella Gamotea
Pinagpapaliwanag ng Department of Energy (DOE) ang Manila Electric Company (Meralco) dahil sa nakatakda nitong pagtataas ng singil sa kuryente, alinsunod sa tax reform law, sa susunod na buwan.
Kinukuwestiyon ng kagawaran ang Meralco kung paano ang ginawa nitong pagkukuwenta at kung magkano ang aktuwal na itataas sa singil nito sa Pebrero dahil sa excise tax.
Sinabi ni DOE Secretary Alfonso Cusi na nais niyang malaman kung paano narating ng Meralco ang P0.0808 na pagtataas sa bawat kilowatt hour (kWh), na posibleng ipatupad na sa Pebrero.
Batay sa pahayag ng Meralco, ibinatay ng kumpanya ang nasabing rate adjustment sa excise tax rates sa produktong petrolyo, gaya ng diesel at coal na ginagamit ng mga planta ng kuryente, at sa re-imposition ng value added tax (VAT) sa transmission charges.
Sa inaasahang dagdag-singil sa kuryente, aabot sa P16.16 ang madadagdag sa electricity bill ng mga bahay na kumukonsumo ng 200 kWh kada buwan.
Sa panig ng Meralco, handa itong ipaliwanag ang pinagbatayan ng taas-singil sa kuryente, alinsunod sa probisyon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.