Ni Bella Gamotea
Tiniyak kahapon ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Alan Peter Cayetano na tututukan niya ang anumang reklamo o anomalya sa pag-iisyu ng pasaporte, partikular sa mga overseas Filipino worker (OFW).
Ito ang inihayag ng kalihim matapos na pormal na ilunsad ang 10-year validity passport na pinangunahan niya sa DFA-Office Consular Affairs sa ASEANA Business Park na matatagpuan sa panulukan ng Bradco Avenue at Macapagal Boulevard sa Parañaque City, dakong 11:00 ng umaga kahapon.
Sinabi ni Cayetano na hindi tinutulugan ng DFA ang anumang reklamo o sumbong na natatanggap nito kaugnay ng pasaporte.
May kumakalat na balitang may sindikato umano sa pag-iisyu ng pasaporte sa mga travel agency na nakakuha ng renewal slots at sinasabing karaniwang mga OFW ang nabibiktima.
Kasabay nito, ipinagmalaki ni Cayetano na maganda na ang sistemang umiiral sa kagawaran sa appointment at pagpoproseso sa pasaporte—na umaabot na ngayon sa 3,000 ang nagagawang pasaporte kada araw kumpara sa 1,900 noon.
Sa Lunes, Enero 15, pangungunahan ni Cayetano at ni Senador Cynthia Villar ang paglulunsad ng “Passport on Wheels” sa C-5 Extension sa Barangay Pulanglupa Uno sa Las Piñas City bandang 9:00 ng umaga.