Ni Bella Gamotea

Lima na lang mula sa dating pitong lane sa North Avenue sa Quezon City ang magagamit ng mga motorista dahil sa konstruksiyon ng Metro Rail Transit (MRT)-Line 7 project, na sisimulan ngayong weekend.

Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), nag-umpisa ngayong weekend ang paglimita sa limang lane sa magkabilang panig ng North Avenue dahil sasaklawin ng proyekto ang tig-isang linya sa bawat panig.

Sinabi ni MMDA Assistant General Manager for Planning Jojo Garcia na may anim na phase ang MRT-7 project, at ang Phase 1 ay sisimulan ng 12:00 ng hatinggabi ngayong Sabado, Enero 20, sa North Avenue mula Veterans hanggang sa Agham Road.

National

Palasyo, hinamon si Magalong hinggil sa anomalya ng GAA: ‘Ibigay ang mga ebidensya!’

Para sa mga dadaan sa North Avenue, maaaring kumaliwa sa Mindanao Avenue, kanan sa Road 8, kanan ng Visayas Avenue, kanan sa QMC, kanan sa Commonwealth Avenue hanggang sa destinasyon; o mula sa Mindanao Avenue ay kumanan sa Congressional Avenue, kanan sa Luzon Avenue diretso sa Commonwealth Avenue.

Ang mga babagtas naman sa Quezon Avenue ay pinakakanan sa QMC at kanan sa Commonwealth, habang ang nasa East Avenue ay maaaring dumaan sa EDSA o sa V. Luna, kanan sa East Avenue hanggang QMC, at kanan sa Commonwealth.

Asahan ang pagtindi pa ng trapiko simula 11:00 ng gabi hanggang 5:00 ng umaga, habang nagpakalat na ang MMDA ng 20 traffic enforcer at 16 flagmen upang gabayan ang mga motorista.