Ni MARY ANN SANTIAGO
Sinampahan na ng kaso sa Mandaluyong City Prosecutor’s Office ang kinakasama ng babaeng napatay sa Mandaluyong shooting incident kamakailan.
Kasong homicide ang isinampa ng Eastern Police District-Special Investigation Task Group-Shaw (EPD-SITG) laban kay Eliseo Aluad, Jr., 37, ng Welfareville Compound, kahit kasama siya at lulan din sa van na pinaputukan ng mga pulis at ng mga barangay tanod, at nasugatan din sa nasabing insidente.
Ito ay matapos lumitaw sa imbestigasyon ng task force at sa pahayag na rin ng ilang saksi, na ang balang tumama at ikinamatay ng kanyang live-in partner na si Jonalyn Amba-an, 35, ay kagagawan niya mismo.
Base sa imbestigasyon, lumitaw na bago ang pamamaril, nagkaroon ng away sa pagitan ni Aluad at ng isang grupo ng mga lalaki sa Barangay Wack-wack, na nauwi sa pagpapaputok nito ng baril noong Disyembre 28, 2017.
Sinasabing sinubukan ni Amba-an na pigilan si Aluad, ngunit pumutok ang baril ng huli at tinamaan ang biktima dahilan upang isugod nila ito sa ospital.
Gayunman, may mga nagsabi umano sa mga barangay tanod at mga pulis na ang kinalululanang van ng mga biktima ay ang sasakyan ng mga suspek kaya pinaulanan ito ng bala.
Ayon sa task group, lumabas din sa resulta ng imbestigasyon ng Scene of the Crime Operation (SOCO) na mayroong tattoong mark ang biktima sa pisngi na indikasyon na binaril ito nang malapitan at hindi galing sa mga pulis ang bala na ikinamatay nito.
Una nang sinampahan ng kaso ang 10 pulis at tatlong barangay tanod na sangkot sa pamamaril sa van.