Ni Orly L. Barcala

Sugatan ang isang obrero nang suntukin at paghahatawin ng bakal ng dalawang lalaki na umano’y nainis sa porma ng una sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.

Ginagamot sa Valenzuela City Medical Center (VCMC) si Eric Tapia, ng No. 40 Malabo Street, Barangay Maysan ng nasabing lungsod, sanhi ng mga pasa sa mukha at bugbog sa katawan.

Nadakip naman ang isa sa mga suspek na si Manuel Paloma, 33, nakatira sa Libis Canumay East, Valenzuela City, habang nakatakas ang hindi pa nakikilala nitong kasamahan.

Metro

Humigit-kumulang 500k deboto, dumalo sa prusisyon ng Poong Nazareno ngayong Biyernes Santo

Sa imbestigasyon ni PO3 Josephuz Melpaz, ng Station Investigation Unit (SIU), galing si Tapia sa isang KTV bar sa Malinis St., Lawang Bato, Valenzuela City, dakong 1:20 ng madaling araw.

Nag-abang siya ng tricycle na masasakyan pauwi nang sumulpot ang mga suspek at pinagsusuntok sa mukha ang biktima.

Hindi pa nasiyahan si Paloma, kumuha pa ito ng steel pipe at pinaghahataw sa katawan si Tapia.

Nagawang makatakbo ng biktima sa loob ng KTV bar at tuluyang nagsitakas ang mga suspek.

Nagtungo sa Police Community Precinct (PCP)-Station 7 si Tapia at nadakip sa follow-up operation si Paloma, pasado 8:00 ng umaga.

Nahaharap ang suspek sa kasong frustrated homicide.