Ni Mary Ann Santiago
Mas mababang singil sa kuryente ang isinalubong ng Manila Electric Company (Meralco) sa kanilang mga consumer sa unang buwan ng 2018.
Base sa abiso ng Meralco, matatapyasan ng P0.5260 kada kilowatt hour (kWh) ang singil sa kuryente ngayong Enero dahil umano sa pagbaba ng generation charge ng P0.5277 per kWh o halaga ng kuryenteng binibili ng Meralco sa mga power producer.
Dahil naman sa naturang bawas-singil, bumaba rin ang overall rate ng Meralco sa P8.7227 per kWh, mula sa dating P9.2487 per kWh noong Disyembre.
Nangangahulugan ito na ang isang typical residential customer na kumukonsumo ng 200 kWh kada buwan ay mababawasan ng P105 bayarin sa kuryente.
Nabatid na ito na ang pangalawang sunod na buwan na bumaba ang singil ng Meralco, makaraang magtapyas ng 38 sentimos noong Disyembre 2017, dahil sa mas mababang presyo ng kuryente.