May paalala ang infectious disease expert na si Dr. Edsel Salvana hinggil sa mga taong patuloy na lumulusong sa baha.
Sa kaniyang pahayag nitong Lunes, Agosto 24, sinabi niyang napatunayan umano na maaari pa ring magkaroon ng leptospirosis ang isang tao kahit na wala silang sugat.
"Mayroon pong ebidensya na kahit walang sugat, kahit hindi po nakainom ng tubig, lalo na kung prolonged yung paglusong natin sa baha, maaaring makapasok pa rin ang leptospirosis sa ating katawan," saad ni Salvana.
Paliwanag pa niya, "Kung lumusong kayo sa baha at medyo natagalan po, pagdating sa bahay, hugasan po natin nang mabuti, soap and water. Makipag-ugnayan din sa health workers… kasi po ang binibigay nating [doxycycline], isa itong prescription drug."
Matatandaang patuloy ang pagtaas ng kaso ng leptospirosis sa bansa matapos ang malawakang pagbaha dulot ng habagat at mga nakaraang bagyo.
Ayon sa pinakabagong tala ng Department of Health (DOH), umabot na sa mahigit 3,000 ang nagkaroon ng leptospirosis sa bansa magmula noong Enero 2026 hanggang nitong buwan ng Agosto.
Habang noong Linggo, Agosto 23 nang tuluyang inihayag ng National Transplant and Kidney Institute (NKTI) na puno na ang kanilang pasilidad sa pagtanggap ng mga nagpositibo sa naturang sakit.
“The National Kidney and Transplant Institute (NKTI) informs the public that, due to the current surge in leptospirosis cases and high patient volume in the Emergency Room (ER), the hospital is currently operating at full bed capacity,” abiso ng NKTI.
Anila, upang mabigyang prayoridad ang mga pasyenteng nangangailangan ng emergency care at admission, pansamantala nilang lilimitahan ang walk-in admissions.
“To prioritize patients requiring emergency care and admission, walk-in admissions will be subject to limitations until further notice, with priority given to patients requiring urgent and critical medical interventions,” saad ng NKTI.