Ni Mary Ann Santiago

Bibisitahin ni Health Secretary Francisco Duque III ang mga paaralan kung saan nagbakuna ng Dengvaxia sa mga estudyante laban sa dengue.

Sisimulan ni Duque ngayong linggo ang pagbisita bilang bahagi ng pinaigting na monitoring ng Department of Health (DoH) sa nasa 800,000 estudyanteng nabakunahan ng Dengvaxia—na para lamang sa dati nang na-dengue at delikado sa severe dengue ang naturukan nito na hindi pa dinadapuan ng nasabing sakit.

Una umanong bibisitahin ng kalihim ang isang paaralan sa Marikina City, gayundin ang iba pang mga paaralan sa National Capital Region (NCR), Regions 3 at 4-A, at Cebu.

Iinspeksiyunin ng kalihim ang mga paaralan upang masuri ang compliance ng mga regional staff ng DoH sa risk communication strategies ng kagawaran kaugnay ng dengue immunization.

Metro

DOLE, inanunsyo ₱85 minimum wage increase sa Metro Manila

Inaasahang ipaaalam din ng DoH sa mga magulang ng mga nabakunahang bata ang mga update sa bakuna at ang impormasyon hinggil sa tulong medikal na maaaring matanggap sakaling makitaan ng sintomas ng dengue ang kanilang mga anak.

Kaugnay nito, nabatid na ipinasasauli ni Duque sa Sanofi Pasteur ang mga bakunang hindi nagamit, gayundin ang perang ibinayad sa mga hindi nagamit na bakuna, upang ilaan sa pangangailangan ng nabakunahan sakaling magkasakit.

Naisumite na rin umano ng DoH sa experts panel ng University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH) ang mga detalye upang marebyu ang kaso ng 14 na batang nabakunahan na namatay sa iba’t ibang dahilan.