Ni Mary Ann Santiago
Kalaboso ang 66-anyos na lalaki matapos ireklamo ng pangmomolestiya sa isang service crew, na nag-deliver lamang ng pagkain sa ospital sa Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Nakapiit sa Manila Police District (MPD)-Station 3 at nakatakdang isailalim sa inquest proceedings dahil sa kasong acts of lasciviousness ang suspek na si Manuel Ang, ng 244 Oroquieta Street, sa Sta. Cruz, matapos ireklamo ng biktimang itinago sa pangalang “JC”, empleyado ng fastfood na matatagpuan sa loob ng compound Chinese General Hospital sa Blumentritt Street.
Sa reklamo ng biktima kay PO2 Gimen Se, naganap ang pang-aabuso dakong 6:30 ng gabi nitong Biyernes.
Una rito, ipina-deliver umano sa biktima ang order ng suspek sa Room 1528 ng CGH old building.
Pagpasok sa silid ay sinamantala umano ng suspek na hawakan at himas-himasin ang maselang bahagi ng katawan ng biktima at isubo pa ito.
Nagawa namang makapalag ng biktima at nakatakas mula sa suspek at agad nag-report sa Security Office ng ospital.
Nabatid na ang suspek ay nasa loob ng naturang private room bilang bantay ng isang matandang babaeng pasyente.