Ni Orly L. Barcala
Patay ang dalawang lalaki habang sugatan naman ang kasama nilang babae nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa Navotas City, nitong Biyernes ng gabi.
Dead on the spot si Jonal Naval, nasa hustong gulang; at Alister San Pedro, nasa hustong gulang, dahil sa tinamong mga bala ng iba’t ibang kalibre ng baril sa katawan.
Inoobserbahan naman sa ospital ang kasama nilang babae, na hindi na natukoy ang pagkakakilanlan, matapos madaplisan ng bala sa ulo.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Navotas Police, nakaparada ang itim na Mitsubishi Adventure (UDI-623), na minamaneho ni Naval, sa Barangay Daang Hari sa nasabing lungsod, malapit sa barangay hall, dakong 9:00 ng gabi.
Biglang dumating ang tatlong suspek, sakay sa motorsiklo, at walang habas na pinagbabaril ang mga biktima bago tumakas.
Kumpetensiya sa pagbebenta ng ilegal na droga ang sinisilip na motibo sa pagpatay sa mga biktima, matapos malaman na kasama si Naval sa drug watch list ng pulisya at kilalang tulak ng droga.
Nakuha mula sa loob ng sasakyan ni Naval ang isang baril at mga drug paraphernalia.
Mahigit 20 basyo ng bala ng cal. 45 at 9mm pistol ang narekober ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa pinangyarihan.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.