Ni ORLY L. BARCALA

Naaresto na ang lalaking pumatay at nanggahasa ng sariling pamangkin sa Valenzuela City kamakalawa.

Naaresto sa follow up operation ng mga tauhan ng Station Investigation Unit (SIU) Detective Management Unit (DMU) at ng Station Intelligence Branch (SIB) si Ricky Castillano, 47.

Sinasabing ginilitan at pinagsamantalahan ni Castillano ang 11-anyos niyang pamangkin na si Ednielyn Oliveros, ng No. 14B, Makipot Road, Libis Bukid, Barangay Malinta ng nasabing lungsod.

National

Pagharap ni FPRRD sa pre-trial ng ICC, sinubaybayan ng pamilya ng mga biktima ng war on drugs

Sa pagsusuri ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), pagkakagilit ang ikinamatay ng bata at may palantandaan din na hinalay ito.

Sa report nina PO3 Robin Santos at SPO1 Ronald Tayag, mismong ang kapatid ng biktima, 9, ang nakakita sa bangkay ng huli sa loob ng kuwarto, bandang 12:00 ng tanghali.

Base sa imbestigasyon, si Castillano ang huling kasama ni Oliveros sa kuwarto at napanood din sa closed-circuit television (CCTV) footage ang paglabas niya sa bahay.

Hindi na rin umano bumalik ang suspek sa bahay simula nang matagpuan ang bangkay ng bata.

Bukod dito, may nakuha ring buhok sa palad ng biktima na pinaniniwalaang galing kay Castillano.

Panganay si Oliveros sa apat na magkakapatid at tanging ang kanilang ama, si Ireneo, ang bumubuhay sa kanila.

Kapatid ni Ireneo si Castillano sa ina at matagal na silang magkakasama sa bahay.

Ayon kina PO3 Santos at SPO1 Tayag, hindi adik sa droga ang suspek, ngunit lulong ito sa alak.

Nahaharap si Castillano sa kasong murder and rape in relation to 7610 o child abuse law.