OAKLAND, California (AP) — Tila nagdahilan lamang si Stephen Curry para makapagpahinga.
Sa kanyang pagbabalik-aksiyon mula sa mahabang pahinga bunsod ng injury sa kanang paa, siniguro ng two-time MVP na matutugunan ang masayang pagsalubong ng Dub Nation.
Naitala ni Curry ang impresibong 38 puntos, tampok ang season-high 10 three-pointers para sandigan ang Golden State Warriors sa dominanteng 141-128 panalo kontra Memphis Grizzlies nitong Sabado (Linggo sa Manila).
Naisalpak ni Curry ang 13 for 17 sa field at 10 of 13 sa rainbow area sa loob ng 26 minuto para sa kanyang ikasiyam na laro na may 30 o higit pang puntos matapos ma-sideline ng 11 laro bunsod ng sprain sa kanyang paa.
Sa kanyang pagtungtong sa Oracle Arena, kakaibang sigla ang nadama ng kanyang mga kasangga, higit ang crowd na walang tigil sa pagbubunyi sa kanilang local hero.
Nag-ambag si Kevin Durant ng 20 puntos, siyam na assists at limang rebounds, habang tumipa si Klay Thompson ng 21 puntos para tuldukan ang tatlong linggo home court game sa matikas na pamamaraan.
Naitala ni Zaza Pachulia ang season-best 17 puntos, walong rebounds at anim na assists.
Nanguna si Marc Gasol sa anim na Memphis players na umiskor ng double figures sa nakubrang 27 puntos mula sa 10-for-13 shooting.
Sa harap ng sell-out crowd, kabilang ang kanyang magulang, maybahay at dalawang anak na babae, bumutas si Curry sa layup mula sa assist ni Dramond Green may 10:27 sa first period para sa 7-0 bentahe. Humingi ng timeout ang Memphis at sa pagbabalik ng aksiyon, naisalpak ni Curry ang unang three-pointer may 9:52 bago nakaiskor ang Grizzlies.
Nakipagpalitan ng opensa ang Grizzlies, ngunit hindi bumitaw ang Warriors, sa kabila nang pagkakatalsik ni Gree dahil sa dalawang technical fouls sa kaagahan ng second period.
Sa huling ratsada ng laro, pinaglaruan ni Curry ang depensa ni Gasol bago isinalpak ang three-pointer para sa ikasiyam na laro na may naitala siyang 10 o higit pa na 3-pointer –markang siya lamang ang nakagawa sa kasaysayan ng NBA.
“Sometimes the absence of a month of basketball gives you a little more excitement and energy, and I know he feels that way and it’ll probably do the same thing with our crowd and with our team, too,” pahayag ni coach Steve Kerr.
JAZZ 104, CAVS 101
Sa Salt Lake City, kumubra si rookie Donovan Mitchell ng 29 puntos para sandigan ang Utah Jazz sa pagbigay kay LeBron James at sa Cleveland Cavaliers nang ikatlong sunod na kabiguan.
Kumawala si James sa naiskor na 29 puntos, walong rebounds at anim na assists sa kanyang ika-33 kaaraw. Natikman ng Cleveland ang ikaanim na sunod na kabiguan sa Utah.
Nalusutan ni Mitchell ang depensa ni J.R. Smith para sa makaiskor sa layup at mahila ang bentahe ng Utah sa 100-97 may 35 segundo ang nalalabi sa laro. Sumablay si James sa kanyang tira at tinuldukan ng Jazz ang panalo sa dalawang free throw.
Nag-ambag si Ricky Rubio ng 16 puntos, 10 rebounds at walong assists sa Jazz.
HAWKS 104, BLAZERS 89
Sa Atlanta, ginapi ng Hawks, sa pangunguna ni Dennis Schroder na may 22 puntos, ang Portland Trail Blazers.
Nag-ambag si Marco Belinelli ng 14 puntos.
Nanguna si Shabazz Napier sa Blazers sa nakubrang 21 puntos ta kumana si CJ McCollum ng 18 puntos.
PISTONS 93, SPURS 79
Sa Detroit, hataw si Andre Drummond sa naiskor na 14 puntos at 21 rebound sa panalo kontra San Antonio Spurs.
Sa kabila ng pagkawala nina starting guards Reggie Jackson (right ankle sprain) at Avery Bradley (sore right groin), matikas na nakihamok ang Pistons at nagawang malimitahan ang Spurs sa pinakamababang output ngayong season.
Nagsalansan si Reggie Bullock ng 22 puntos, habang kumasa si rookie Luke Kennard ng 20 para sa Pistons.
Nanguna si Kawhi Leonard sa Spurs na may 18 puntos.
HEAT 117, MAGIC 111
Sa Orlando, Florida, tumipa si Tyler Johnson ng 22 puntos sa third quarter, habang kumana si Goran Dragic ng 14 puntos sa final period para maibangon ang Miami Heat sa 18 puntos na pagkakabaon at pabagsakin ang Magic.
Tumapos si Johnson na may season-high 31 puntos, habang nagsalansan si Dragic ng 25 puntos at walong assists.
Sinandigan ni Aaron Gordon ang Magic sa nakuhang 39 puntos, habang umarya si Evan Fournier na may 23 puntos.
Sa iba pang laro, ginapi ni New York Knicks, sa pangunguna ni Kristaps Porzingis na may 30 puntos, ang New Orleans Pelicans, 105-103.