Inihayag kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na 30 porsiyento ng Marawi City ay malinis na sa mga pampasabog.
Karamihan ng mga pampasabog ay nakuha sa mga lugar kung saan naging matindi ang labanan ng militar at teroristang Maute Group, ayon kay Major Gen. Arnold Rafael Depakakibo, chief engineer ng AFP.
Sinabi ni Depakakibo na nakarekober ang mga military engineer ng 2,853 na unexploded ordnance at 415 IED sa buwan ng Disyembre.
Isinagawa ang clearing operation sa tulong ng Explosives and Ordnance Disposal Company ng AFP at K-9 Teams mula sa Philippine Army at Philippine Air Force.
Sinabi pa ng Joint Engineering Task Group (JETG) na halos 20 kilometrong mga daan, tatlong malalaking tulay, isang eskwelahan at tatlong simbahan at mosque ang nalinis na sa mga pampasabog.
Tumutulong din ang AFP engineers sa kanilang ginagawang limited construction support sa mga government agencies na nagpapatakbo sa mga evacuation center.
Tumulong din ang Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) sa pagtayo sa 500 temporary shelters para sa evacuees. Kalahati ng mga shelter ang naipamahagi na noong isang linggo, at ang natitirang 250 ay nakatakdang ipamahagi sa susunod na buwan.
Sa ngayon ay mahigit 500 military engineers ang naka-deploy sa Marawi sa ilalim ng JETG.
“Over the course of the Marawi conflict, military engineers provided support to operating troops in the area which include route reconnaissance and surveys; road and site clearing operations; wall breaching and timber cutting operations; and constructions of ramps and flat forms for Mechanized Assets,” sabi ni Depakakibo. - Fer Taboy