June 03, 2026

Home BALITA Probinsya

Batang nabitawan ng ina matapos silang sumemplang sa motor, patay sa bangga ng bus!

Batang nabitawan ng ina matapos silang sumemplang sa motor, patay sa bangga ng bus!
Photo courtesy: Unsplash

Nasawi ang isang-taong-gulang na batang lalaki matapos na masagasaan ng isang pampasaherong bus sa bayan ng Samboan, Cebu.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, sakay ng motorsiklo ang bata kasama ang kaniyang mga magulang nang mangyari ang insidente.

Galing umano ang pamilya sa Negros Oriental at nagsisimula nang bumiyahe pauwi sa bayan ng Compostela nang mawalan ng balanse ang kanilang sinasakyang motorsiklo at tumumba.

Ayon kay Police Cpl. Ludovico Bajoyo ng Samboan Municipal Police Station, nalubak umano ang motorsiklo na naging dahilan ng aksidente.

“Nalubak umano ang motorsiklo na dahilan para mawalan sila ng balanse at matumba,” ani Bajoyo sa panayam sa media.

Probinsya

Nasawi sa gumuhong gusali sa Pampanga, 24 na!

Sa pagtumba ng motorsiklo, nabitawan umano ng ina ang kaniyang anak na bahagyang tumilapon sa kalsada. Sa kasamaang-palad, nasagasaan ito ng isang dumaraang pampasaherong bus.

Napansin lamang umano ng driver ng bus ang nangyari sa pamamagitan ng side mirror ng kaniyang sasakyan kaya agad itong huminto.

Dinala pa sa ospital ang bata ngunit hindi na ito umabot nang buhay.

Posibleng maharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide ang driver ng bus kaugnay ng insidente.

Sa ngayon, hindi pa umano nakapagpapasya ang pamilya ng bata kung magsasampa sila ng reklamo laban sa driver.