Ni FER TABOY
Inaresto ng pulisya ang bise alkalde ng bayan ng Moises Padilla sa Negros Occidental matapos umanong masamsaman ng mga baril, granada, at shabu sa loob ng sasakyan nito sa checkpoint sa bayan ng Magallon nitong Martes ng gabi.
Nabatid sa spot report ng Police Regional Office (PRO)-6 na nahulihan ng baril ang mag-asawang Vice Mayor Ella Celestina Garcia-Yulo, at Felix Mathias Yulo III, ng .45 caliber pistol matapos na sitahin ng mga pulis habang sakay sa kanilang pick-up truck sa crossing ng Magallon.
Nasamsam din umano sa mag-asawa ang dalawang granada, dalawang sachet ng hinihinalang shabu, tatlong .45 caliber pistol na kargado ng mga bala, at P45,000 cash.
Kakasuhan ng illegal possession of firearms at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165) ang mag-asawa.
Nagreklamo naman ang bise alkalde na hinatak umano siya ni Senior Insp. Alan Reloj, ng Moises Padilla Municipal Police, palabas ng sasakyan at kinuha ang kanyang mga gamit at dinala sa presinto, habang in-impound naman ang kanilang sasakyan.
Dating mayor ng Moises Padilla, itinanggi rin ni Yulo na kanila ang mga armas, pampasabog, at droga na umano’y nakumpiska sa kanilang sasakyan.