May 26, 2026

Home BALITA National

May pa-maja blanca at suman: Sen. Lito Lapid pinakilig si Sen. Pia, bumanat ng 'Mahal kita!'

May pa-maja blanca at suman: Sen. Lito Lapid pinakilig si Sen. Pia, bumanat ng 'Mahal kita!'
Photo courtesy: Senate of the Philippines (YT)

Tila kinilig ang karamihan sa mga senador at maging mga bisita sa naging banat ni Sen. Lito Lapid kay Sen. Pia Cayetano nang sabihin ng una na mahal niya raw ang senadora kaya lagi siya ritong nagpapadala ng maja blanca at suman. 

Matatandaang noong Lunes, Mayo 25, 2026, ay mainit pa ang tensyon sa sesyon ng Senado nang magpakita si Sen. Imee Marcos ng videong nagdidiin sa mga kapuwa niya senador at kasalukuyang miyembro ng minorya na tinutulak daw ang Charter Change (Cha-Cha) upang hindi matuloy ang susunod na eleksyon sa 2028.

KAUGNAY NA BALITA: Usec. Castro sa Cha-Cha ni Sen. Imee: 'Diversionary tactics!'

Sa muli kasing pagsisimula ng plenaryo sa Senado nitong Martes, Mayo 26, mariin munang pinabulaanan ni Sen. Lapid ang mga kumakalat na intrigang lilipat na siya sa majority bloc sa Senado, matapos na hindi suportahan ang naging pagtulak ni Sen. Juan Miguel Zubiri na alisin sa tala ng Senado ang tungkol sa umano'y “propaganda video” ni Sen. Imee. 

KAUGNAY NA BALITA: 'Mananatili po ako sa minority!' Sen. Lito Lapid, winalis tsikang lumipat sa majority

National

DOLE, ipinaalala guideline sa tamang pasahod sa Mayo 27 bilang ‘regular holiday’

Matapos nito, agad namang nagkomento at direktang nagpasalamat si Sen. Pia kay Sen. Lapid dahil sa hindi raw nagmimintis na pagpapadala ng huli ng maja blanca at suman sa kaniyang opisina buwan-buwan. 

Ani Sen. Pia, palagi na raw itong ginagawa ni Sen. Lapid dahil batchmates daw sila sa Senado mula pa noong 2004. 

“Gusto ko lang magpasalamat kay Sen. Lito Lapid na kahit na magkaiba na tayo ng partido. I think we are batchmates. Magkasama kami since 2004,” pagsisimula ni Sen. Pia. 

Dagdag pa niya, “Majority, minority, buwan-buwan ay nagpapadala pa rin siya sa akin ng maja blanca at suman.” 

Mabilis naman na tugon ni Sen. Lapid, gusto lang daw kasi niyang malaman ni Sen. Pia na mahal niya ang senadora. 

“Gusto ko po kasing malaman mo na mahal kita,” banat ni Sen. Lapid. 

Singit naman ng kapatid ni Sen. Pia na si Senate President Alan Peter Cayetano, tila hindi naman daw niya malaman kung mahal din daw siya ni Sen. Lapid dahil sisig naman daw ang laging pinapadala ng huli sa kaniyang opisina sa kabilang ng kaniyang cholesterol.

“I am trying to figure out [kung] bakit maja blanca ang ibinibigay sa kaniya. Samantalang sinabi ko na kay Kuya Lito Lapid na ako ay umiinom na ng maintenance medicine para sa cholesterol pero sisig pa rin ang dinadala niya para sa akin,” aniya.

Saad pa niya, “So iniisip ko kung mahal niya din ako o si Sen. Pia lang ang kaniyang mahal.” 

Komento naman ni Sen. Joel Villanueva, baka raw nilalapit lang ni Sen. Lapid si Sen. Peter sa Diyos.

“Mr. President, nilalapit ka daw niya sa Diyos,” pagtatapos pa niya. 

KAUGNAY NA BALITA: Sen. Imee na-offend sa mga kapwa senador; sinabihan daw siyang sinungaling!