Napilitan si Sen. Imee Marcos na bawiin ang video presentation niyang inilatag sa sesyon ng Senado hinggil sa umano’y planong “Charter Change” o Cha-Cha ng kapuwa niya mga senador, nitong Lunes, Mayo 25, 2026.
Sa plenary session nitong Lunes, ibinahagi ng senadora ang videong nagdidiin sa mga kapuwa senador na itulak ang Cha-Cha upang hindi umano matuloy ang Halalan 2028.
Kaagad na umani ng batikos mula sa Senate minority ang nasabing video at mariing pinabulaanan ang anila’y fake news at malisyosong video ng senadora.
"Kung galit po kayo, magsalita po siya d'yan [Imee], magalit siya sa gobyerno niya, magalit siya sa kapatid niya, murahin niya kapatid niya pero huwag naman niya idamay 'yong mga taong walang kinalaman d'yan," ani Sen. Migz Zubiri.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Zubiri umalma kay Sen. Marcos ukol sa cha-cha: 'Inday badiday na ba tayo rito'
Matapos ang sunod-sunod na pag-alma ng ilang mga senador, napilitan ang senadora na bawiin ang kaniyang video material at iginiit na tila nasaktan daw siya sa mga sinabi ng kapwa niya mga senador.
“Nakaka-offend din kasi yung mga sinasabi ng ilang senador tungkol sa akin na sadyang sinungaling, na lahat ng lumalabas sa bibig ko ay lahat, all BS, outright lies. At yung iba pa may bahagi na kinakailangan daw ako ipasok sa mental institution,” ani Sen. Imee.
Hirit pa ng senadora matapos niyang i-withdraw ang naturang video material: “Kapalit niyan, ipangako natin lahat sa ating taumbayan na walang term extension na mangyayari at may eleksyon sa 2028. Yun lang po ang aking hinihiling.”
Agad naman itong sinegundahan ni Sen. Migz, “All of us here wants elections sa 2028.”