July 03, 2026

Home BALITA National

Usec. Castro sa Cha-Cha ni Sen. Imee: 'Diversionary tactics!'

Usec. Castro sa Cha-Cha ni Sen. Imee: 'Diversionary tactics!'
Photo courtesy: File Photo

Idiniin sa publiko ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro na tila isang diversionary tactics o paglilihis lang sa iba pang mga usapin ang inilabas na video ni Sen. Imee Marcos sa plenaryo ng Senado noong Lunes, Mayo 25, 2026. 

Matatandaang ibinahagi ni Marcos sa isinagawa nilang plenaryo sa Senado ang videong nagdidiin sa mga kapuwa niya senador at kasalukuyang miyembro ng minorya na tinutulak daw ang Charter Change (Cha-Cha) upang hindi matuloy ang susunod na eleksyon sa 2028.

KAUGNAY NA BALITA: Usec. Castro, tinanggi 'no-election,' 'term extension' ni PBBM sa 2028!

Sa naging buwelta naman ni Castro sa panayam sa kaniya ng media nitong Martes, Mayo 26, sinabi niyang ginawa lang daw iyon ng senador para pagtakpan at matabunan umano ang iba pang mga isyu o kontrobersyang naganap sa bansa. 

“Sa ating tingin, sa ating pagkaka-intindi dito, ito ay para matakpan, matabunan ang totoong isyu,” pagsisimula niya. 

National

Sen. Robin: Ako ang sarap na ng buhay ko, ang ganda at bata 'yong asawa ko, pero nagtitiis ako para sa inyo

Diin ni Castro, malapit na rin daw kasi ang pagsasagawa ng Senate Impeachment Court ng paglilitis sa impeachment case na kinakaharap ni Vice President Sara Duterte. 

“Nalalapit na po ‘yong impeachment trial. Alam naman natin kung ‘yong gusto ni Sen. Imee pagdating sa impeachment trial,” ‘ika niya. 

Dagdag pa niya, “Wala pa ngang trial pero parang meron na siyang judgement.” 

KAUGNAY NA BALITA: Impeachment trial ni VP Sara, raratsada sa July 6!—Sen. Erwin

Ani pa ni Castro, para na rin daw pagtakpan ni Marcos ang totoong nangyaring kaguluhan sa Senado noong May 13, 2026, at matagumpay na nakatakas sa mga awtoridad si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa pamamagitan ng tulong ni Sen. Robin Padilla.

“At the same time, para mapagtakpan kung ano ‘yong nangyari talaga sa Senado. Papaano naitakas o nailabas ni Sen. Robin Padilla si Sen. Bato,” aniya. 

“Kung paano nagkaroon talaga ng putukan at kung sino ba talaga ang nagpasimula nito, at kung sino ba talaga ang may nais na magkaroon ng ganitong klaseng gulo,” patutsada niya. 

Pagpapatuloy ni Castro, masasabi raw sa madaling salita na “diversionary tactics” ang inintriga ni Marcos. 

“The way I see, yes, oo. Diversionary tactics,” pagtatapos pa niya. 

KAUGNAY NA BALITA: Usec. Castro, tinanggi 'no-election,' 'term extension' ni PBBM sa 2028!