May 26, 2026

Home BALITA National

Usec. Castro, tinanggi 'no-election,' 'term extension' ni PBBM sa 2028!

Usec. Castro, tinanggi 'no-election,' 'term extension' ni PBBM sa 2028!
Photo courtesy: File Photo

Dinepensahan ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., kaugnay sa inintriga ni Sen. Imee Marcos sa plenaryo ng Senado noong Lunes, Mayo 25, 2026. 

Matatandaang ibinahagi ni Sen. Imee sa isinagawa nilang plenaryo sa Senado ang videong nagdidiin sa mga kapuwa niya senador at kasalukuyang miyembro ng minorya na tinutulak daw ang Charter change (Cha-cha) upang hindi matuloy ang susunod na eleksyon sa 2028. 

KAUGNAY NA BALITA: Sen. Zubiri umalma kay Sen. Marcos ukol sa cha-cha: 'Inday badiday na ba tayo rito'

Sa naging pahayag naman ni Castro nitong Martes, Mayo 26, idiniin niyang lagi raw sumusunod ang Pangulo sa batas at due process kaya malabo raw na labagin ng huli ang Konstitusyon para lang matupad ang term extension. 

“Unang una ang Pangulo, noon pa natin sinabi, lagi ‘yan sumusunod sa batas,” pagsisimula niya.

National

Usec. Castro sa Cha-Cha ni Sen. Imee: 'Diversionary tactics!'

Dagdag pa niya, “Due process, kung anoman ang tungkol sa batas, hindi ‘yan lumalabag sa batas.” 

Ani Castro, nakasaad daw sa batas ang nakatakdang eleksyon sa 2028 kaya raw makakasiguro ang publiko na susundin ng Pangulo ang legal na proseso. 

“Meron tayong batas patungkol sa susunod na eleksyon, [sa] 2028. So makakasiguro tayo na ang Pangulo ay susunod sa batas,” pagtitiyak niya. 

Buwelta ni Castro, mas marapat daw na si Sen. Imee na lang ang tanungin ng publiko kung totoo ang mga sinasabi nito patungkol sa Cha-cha. 

“Ang tanungin n’yo kung si Sen. Imee ba ay nakakasiguro na ang kaniyang sinasabi ay totoo. Sa kaniya ninyo itanong,” pagtatapos niya. 

Samantala, habang sinusulat ito, hindi pa naman naglalabas ng pahayag, tugon, o reaksyon si Sen. Imee kaugnay rito. 

Matatandaang napilitan si Sen. Imee na bawiin ang video presentation na kaniyang inilatag sa sesyon ng Senado noon ding Lunes, Mayo 25. 

Matapos ang sunod-sunod na pag-alma ng ilang mga senador, napilitan ang senadora na bawiin ang kaniyang video material at iginiit na tila nasaktan daw siya sa mga sinabi ng kapwa niya mga senador.

KAUGNAY NA BALITA: Sen. Imee na-offend sa mga kapwa senador; sinabihan daw siyang sinungaling!