Ni Annie Abad
NAGING makulay ang taong 2017 para sa mundo ng palakasan dito sa Pilipinas, kung saan iba’t ibang emusyon ang pumaimbabaw sa mga atleta at maging mismong sa mga opisyales na namumuno dito ay nagsiwalat din kani kanilang saloobin sa isa’t isa.
Marso ng taong ito nang magsimulang magbangayan ang mga kilalang sports officials na sina Philippine Olympic Committee (POC) president Jose “Peping”Cojuangco at ang dating Philippine basketball legend at ngayon ay Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Ramon Fernandez, nang tawagin ng una na “game fixer” ang huli.
Hindi nagustuhan ni Cojuangco ang diumano’y pakikialam ng PSC sa mga desisyon ng POC na humantong sa mainit na bangayan sa pagitan nila ni Fernandez, kung saan sinuportahan naman ng PSC chief na si William “Butch” Ramirez si Fernandez nang hamunin nito ang POC na huwag hihingi ng pondo sa PSC.
Binalikan naman ni Fernandez si Cojuangco at isiniwalat nito diumano na nakatanggap ng kabuuang P38 million ang pamunuan ng POC na nakalaan umano sa pagtatanghal ng Asian Centennial Games Festival na ayon sa una ay nakurakot ng huli.
Palitan ng masasakit na salita at alegasyon ang naganap sa pagitan ng dalawang pinuno ng sports na nauwi sa pagsasampa ng demamnda ni Fernandez kontra kay Cojuangco hinggil sa akusasyon sa kanya, na inihain sa Cebu City Court.
Bagama’t hindi pa nareresolba, tuluy tuloy naman ang trabaho sa PSC at POC, “business as usual” ika nga, para sa paghahanda ng mga atleta sa mga qualifying round para sa Olympics.
Ngayong darating na 2018, inaasahan ang kabi kabilang kompetisyon na lalahokan ng Pilipinas, upang patuloy na mahubog ang mga atleta ng bansa. Nakakalungkot mang isipin, ngunit parang malabo pa ang rekonsilyasyon sa pagitan ng nagbabangayang PSC official na si fernandez at ng POC chief na si Cojuangco, gayunman, nawa’y maging maayos ang lahat sa pagitan ng mga nasabing opisyales.