Ni Liezle Basa Iñigo
ASINGAN, Pangasinan - Magiging aral para sa ibang pulitiko ang pagkakasuspinde sa alkalde at bise alkalde ng bayan ng Asingan sa Pangasinan kaugnay ng paggamit ng kanilang pangalan at litrato sa gamit ng gobyerno.
Napag-alaman na naimprenta ang mga litrato at pangalan nina Mayor Haidee Chua at Vice Mayor Carlos Lopez, Jr. sa gilid ng ambulansiya ng Asingan.
Kaugnay nito, sinuspinde ng isang taon ng Office of the Ombudsman ang dalawa. Walang tatanggaping suweldo ang mga opisyal habang suspendido.
Ang paglabag ay may kaugnayan sa simple misconduct, paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials at Employees, base sa desisyon ng Ombudsman na pinirmahan ni Ombudsman Conchita Carpio Morales noong Oktubre 13.
Nag-ugat ang suspensiyon sa reklamong inihain ni Asingan Councilor Evangeline Dorao.
Naniniwala si Dorao na nilabag ng dalawang opisyal ang 2010 circular na nagbabawal sa paglalagay ng pangalan, inisyal, at litrato ng mga opisyal ng gobyerno sa mga billboard at karatula ng mga programa, proyekto, at ari-arian ng pamahalaan.