Tahasang inilahad ni Sen. Risa Hontiveros na ikabubuti raw ng Senado kung magiging senate president si Sen. Sherwin “Win” Gatchalian.
Sa ikinasang press conference ni Sen. Risa nitong Lunes, Mayo 25, hayagan niyang sinabi na seryosong mambabatas si Sen. Gatchalian.
“Well, kung maging senate president si Senator Sherwin, that would be good for the Senate. Magka-batch kami, so isang dekada ko na siyang nakakatrabaho at saka naoobserbahan, napakaseryosong legislator,” saad ni Sen. Risa.
Aniya, “Tuwing magsu-suspend, nag-iistay siya sa floor, hindi siya kaagad papasok sa lounge. ‘Pag naririnig n’yo silang may kausap, kausap ‘yong staff tungkol sa trabaho…and isa siya na pinahahalagahan talaga ‘yong dignidad at ‘yong reputasyon ng Senado.”
Natanong din ang mambabatas kung si Sen. Gatchalian nga ba ang itinutulak ng minority bloc na maging pangulo ng Senado.
“I hear several names kahit sa publiko, and ang attitude namin sa minority ay kung sino sa amin, I’m proud na may mga napatunayan na dating kakayahan, bilang mga dating senate president, at mayroon talagang malakas na potensyal na magsilbi din sa ganoong tungkulin,” anang mambabatas.
“At kung tatanungin n’yo ko tungkol kay Senator Sherwin, kung maging siya, magiging mabuting senate president siya,” diin pa ni Sen. Risa.
Matatandaang inamin ni Sen. Vicente “Tito” Sotto III na siya ang nagtutulak na maging senate president si Sen. Gatchalian.
“I was asked why I have been silent re: Senate leadership... wrong! I was the one who brought out the idea of making Sherwin as SP!,” ani Sotto sa kaniyang pahayag noong Linggo, Mayo 24.
MAKI-BALITA: Sen. Sotto, aminadong siya nagtutulak maging SP si Sen. Gatchalian-Balita
Photo courtesy: Senator Risa Hontiveros/FB, Senate of the Philippines