May 24, 2026

Home BALITA Politics

Sen. Sotto, aminadong siya nagtutulak maging SP si Sen. Gatchalian

Sen. Sotto, aminadong siya nagtutulak maging SP si Sen. Gatchalian
Photo courtesy: Senate of the Philippines

Nagbigay ng pahayag si Sen. Vicente “Tito” Sotto III kaugnay ng usapin sa pamumuno sa Senado matapos umugong ang mga panibagong usapin ng pagbabago sa liderato ng kapulungan. 

Sa kaniyang pahayag nitong Linggo, Mayo 24, 2026, inamin niyang siya raw ang nagtutulak na mailuklok na Senate President si Sen. Win Gatchalian.

“I was asked why I have been silent re: Senate leadership... wrong! I was the one who brought out the idea of making Sherwin as SP!,” ani Sotto.

Lumabas ang pahayag matapos ang mga ulat hinggil sa posibilidad ng isa na namang “leadership change” ilang linggo lamang matapos mapalitan si Sotto bilang Senate President at mahalal si Alan Peter Cayetano noong Mayo 11, 2026. 

Ayon sa mga ulat, may mga senador umano mula sa minority bloc na nagsusulong kay Gatchalian bilang susunod na lider ng Senado. Iniulat din na patuloy ang mga pag-uusap at pagkilos sa loob ng Senado habang nakabinbin ang mga mahahalagang usaping pampulitika, kabilang ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte. 

Politics

'Act like a Senator!' Ombudsman Remulla, tinalakan si Sen. Robin Padilla

Nauna nang napatalsik si Sotto bilang Senate President sa botong 13-9 pabor kay Cayetano sa gitna ng lumalalim na hidwaan sa Senado. Ilang ulit ding napaulat ang umano’y mga tangkang kudeta sa liderato ng kapulungan bago pa man ang aktuwal na pagpapalit ng liderato noong Mayo.

Kaugnay nito, nauna na nang inihayag ni Sen. Gatchalian na nakahanda na raw siyang saluhin ang responsibilidad ng pagiging Senate President.

"Tingin ko marami naman na tayong natutunan sa Senado lalo na ang mga komplikadong committee. Kaya kung handa, handa talaga," ayon pa sa Senador.

"Naniniwala naman ako na may God's will at God's time. Ako naniniwala ako talaga dyan. 'Pag talaga pinlano yan sa iyo ng Diyos, dadating at dadating yan," dagdag pa niya.

KAUGNAY NA BALITA: Sen. Gatchalian, 'handa' maging Senate president