Sa gitna ng usapin ng pagkakaroon umano muli ng bagong liderato sa Senado, nagpahayag ng kahandaan si Senador Win Gatchalian kung sakaling maluklok bilang Senate president.
Sa panayam ni Gatchalian sa DZMM Teleradyo nitong Biyernes, Mayo 22, natanong ang senador kung handa ba raw siyang tanggapin ang responsibilidad bilang Senate president sakaling matuloy ang panibagong kudeta sa Senado.
Ayon kay Gatchalian, ang kaniyang 10 taong paninilbihan sa Senado at karanasan sa pamumuno ng mahahalagang komite ang naghanda sa kanya para sa mas mabigat na responsibilidad. Binanggit niya ang kaniyang pagiging chairperson ng mga komite sa Economic Affairs, Energy, Basic Education, Ways and Means, at pinakahuli, ang Finance.
"Tingin ko marami naman na tayong natutunan sa Senado lalo na ang mga komplikadong committee. Kaya kung handa, handa talaga," ayon pa sa Senador.
"Naniniwala naman ako na may God's will at God's time. Ako naniniwala ako talaga dyan. 'Pag talaga pinlano yan sa iyo ng Diyos, dadating at dadating yan," dagdag pa niya.
Kabilang si Gatchalian sa 11-miyembrong minority bloc na bumoto laban sa bagong liderato ng Senado sa ilalim ni Senate President Alan Peter Cayetano. Nahalal si Cayetano sa pamamagitan ng boto ng 13 senador, kabilang si Senador Ronald "Bato" dela Rosa, na naging susi sa pagsasakatuparan ng kudeta.