Ni Lyka Manalo
TAAL, Batangas - Nasa kustodiya ng pulisya ang isang mag-ama matapos umanong mahuling gumagawa at nagbebenta ng kuwitis nang walang kaukulang permit sa Taal, Batangas, nitong Miyerkules.
Kinilala ang naarestong mag-ama na sina Berilo Asebuche, 55; at AJ Asebuche, 27 anyos.
Ayon kay PO2 Raymond Amante, dakong 1:20 ng hapon nang maaresto ang matandang Asebuche habang inaabot sa nagpanggap na buyer na si PO1 Rex De Leon ang 36 na piraso ng kuwitis sa halagang P300, sa Barangay Zone 8.
Naaktuhan naman umanong gumagawa ng kuwitis ang batang Asebuche, at nakuhanan ng may 199 na piraso ng kwitis.
Narekober ng mga awtoridad ang nakasakong 10.5 kilo ng potassium nitrate, isang sakong uling, at iba pang mga paraphernalia sa paggawa ng kuwitis.
Kinasuhan ang mag-ama ng paglabag sa RA 7183 (An Act Regulating the Sale, Manufacture, Distribution and Use of Firecrackers and other Pyrotechnic Devices).