Inanunsyo ng Professional Regulation Commission (PRC) na walang nakapasa sa nag-iisang examinee na kumuha ng Certified Public Accountants Special Professional Licensure Examination (CPA-SPLE) na isinagawa sa Taipei, Taiwan noong Mayo 2026.
Batay sa inilabas na resulta noong Hunyo 4, 2026, nakapagtala ang pagsusulit ng zero passing rate matapos mabigong makapasa ang tanging aplikanteng kumuha ng eksaminasyon.
"The Professional Regulation Commission (PRC) announces that none passed out of 1 examinee in the Certified Public Accountants Special Professional Licensure Examination given by the Board of Accountancy in Taipei last May 2026," mababasa sa website ng PRC.
Photo courtesy: Screenshot from PRC website
Ang espesyal na pagsusulit para sa mga Certified Public Accountant ay isinagawa ng Board of Accountancy na pinamumunuan ni Chairman Noe G. Quiñanola, kasama sina Vice Chairman Samuel B. Padilla at mga miyembrong sina Gloria T. Baysa, Thelma S. Ciudadano, Gervacio I. Piator, at Maria Teresita Z. Dimaculangan.
Ayon sa PRC, ang pagsasagawa ng Special Professional Licensure Examination (SPLE) para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) ay alinsunod sa PRC Resolution No. 1034, Series of 2017, Republic Act No. 8981, at Executive Order No. 835.
Ang CPA-SPLE ay isa sa mga espesyal na pagsusulit na isinasagawa ng PRC sa iba't ibang bansa upang mabigyan ng pagkakataon ang mga OFW na makakuha ng professional license nang hindi na kinakailangang umuwi sa Pilipinas.
Ang nasabing pagsusulit ay ginanap noong Mayo 29, 2026 at mga sumunod na araw, habang ang opisyal na resulta ay inilabas noong Hunyo 4, 2026. Bagama't walang nakapasa sa pagkakataong ito, patuloy na isinasagawa ng PRC ang SPLE bilang bahagi ng programa nito para sa mga Pilipinong propesyonal na nagtatrabaho sa ibang bansa.