Ni Light A. Nolasco
BALER, Aurora - Pinalalakas ng pamahalaang bayan ng Baler sa Aurora ang produksiyon ng cacao upang madagdagan ang kita ng mga magsasaka, na pangunahing layunin ng apat na buwang pagsasanay ng 135 magsasaka sa farm field school training sa Centro Baler, kamakailan.
Ang training ay inisyatibo ng Agricultural Training Institute (ATI) Region 3, at ng Office of the Provincial Agriculturists (OPAG) ng Aurora.
Ayon kay Danilo Enguerra, provincial agriculturist at provincial cacao coordinator, layunin ng pagsasanay na doblehin ang produksiyon ng cacao sa mga susunod na taon, mula sa kasalakuyang 0.8 metric tons kada ektaryang ani.
Nakahanda din umano ang municipal agriculture offices sa bawat munisipyo ng Aurora na magbigay ng tamang teknolohiya at libreng buto ng cacao sa mga interesadong magsasaka.