Nilinaw ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ang 18-ex Marines na lumahok sa pagdinig ng Senado kaugnay ng umano’y mga anomalya sa flood control projects ay hindi na kabilang sa militar nang maganap ang mga alegasyong kanilang kinasasangkutan.
Sa pahayag noong Biyernes, Hunyo 6, 2026, sinabi ni AFP Public Affairs Office chief Col. Xerxes Trinidad na hindi na nasa aktibong serbisyo ang mga naturang indibidwal nang maganap ang mga kilos at pangyayaring tinatalakay sa imbestigasyon.
“While some reports have collectively described them as ‘Marines’ or ‘Ex-Marines,’ it is important to note that they were no longer in active military service at the time of the acts and allegations being discussed. These were undertaken in their private capacities and not on behalf of the AFP,” ani Trinidad.
Ayon pa sa opisyal, hindi rin lahat ng 18 indibidwal ay dating miyembro ng Philippine Marine Corps (PMC).
Aniya, ang patuloy na pagtukoy sa kanila bilang “Marines” ay maaaring magbigay ng maling impresyon na may kinalaman ang AFP o ang PMC sa mga sinasabing iregularidad.
“For accuracy, we respectfully encourage the use of the individuals’ names, or simply refer to them as witnesses, affiants, or former staff/bodyguards of the concerned personalities, as appropriate,” dagdag niya.
Muling napunta sa sentro ng atensyon ang mga nasabing testigo matapos nilang sabihin na nagsilbi silang security aides ng dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co at umano’y naghatid ng mga bag at maleta na may lamang pera para sa ilang pulitiko at kilalang personalidad.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nasangkot sa kontrobersiya ang grupo. Noong Pebrero, sinabi ng Philippine Navy (PN) na apat sa 18 indibidwal ay hindi kailanman naging miyembro ng Navy o ng PMC, habang karamihan sa mga dating miyembro ay natanggal sa serbisyo sa ilalim ng dishonorable discharge.
Sa isang pahayag noon, sinabi ni PN spokesperson Capt. Marissa Martinez, “Based on official records, (four) were never members of the PN or the PMC (a type unit under the Navy). Majority of the individuals were discharged dishonorably from the service, while others were able to retire in good standing.”
Tumanggi naman si Martinez na tukuyin kung ilan eksakto sa mga dating miyembro ng PMC ang natanggal sa serbisyo sa ilalim ng dishonorable discharge.
“We cannot give a number because of the families, especially if they were dishonorably discharged,” aniya.
Patuloy ang pagbusisi ng Senado sa mga alegasyon kaugnay ng umano’y iregularidad sa mga flood control projects, kabilang ang mga pahayag ng mga testigong humarap sa pagdinig.