Ni MARY ANN SANTIAGO
Labing-walong katao ang sugatan, binubuo ng tatlong driver at 15 pasahero, nang magsalpukan ang isang sports utility vehicle (SUV) at isang passenger utility jeepney (PUJ) at nadamay din ang isang motorsiklo sa Barangay Sta. Cruz, Antipolo City, nitong Sabado ng hapon.
Pawang isinugod sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center ang 18 biktima upang malapatan ng lunas.
Sa inisyal na ulat ng Antipolo City Police Station, naganap ang aksidente sa Marcos Highway, Sitio Kakalog, sa Bgy Sta. Cruz, bandang 2:50 ng hapon.
Sakay sa kanyang SUV na pulang Ford Eco Sport (IP-1333), binabaybay ni Elpidio Sanuco ang lugar nang biglang mag-counterflow ang isang pampasaherong jeep (DGR-384), na minamaneho ni Arnold Reagan Figura, at nagkasalpukan.
Sa lakas ng pagkakasalpok ay nayupi ang dalawang sasakyan at sugatan ang dalawang driver, gayundin ang 15 pasahero ni Figura na pawang hindi nakuha ang mga pangalan.
Nadamay din sa aksidente si Aris Ramiro na sakay sa kanyang Hondo XRM na motorsiklo (7260-NB), kasabay ng SUV na bumibiyahe rin patungong Cogeo.
Agad rumesponde ang ilang saksi at mga rescue units upang isugod sa ospital ang mga biktima.