Ni Fer Taboy

Pinag-iisipan ng Ozamiz City Police Office (OCPO) kung kakasuhan si Ozamiz Vice Mayor Nova Princess Parojinog kaugnay ng pagkakahuli sa 100 kilong shabu.

Ito ang saad ni Chief Insp. Jovie Espenido, hepe ng Ozamiz police, matapos makunan ng kilo-kilong shabu ang ilang kaanak at katiwala ni Parojinog.

Naaresto ang dating driver at close-in escort ni Parojinog na si Butch Merino matapos makunan ng baril at 1 kilo ng shabu sa kanyang backpack.

Probinsya

Lasing, ginulpi ng lalaking kinumpronta; patay!

Naharang sa isang checkpoint si Merino na nagmomotorsiklo at papunta sana sa Lanao para ihatid ang shabu, ayon kay Espenido.

Nagkataon rin na tumawag kay Merino ang pinsan ni Parojinog na si Melden “DenDen” Parojinog Rabanez upang kumustahin ang dalang kargamento.

Hindi alam ni Rabanez na tinunton ng pulisya ang kanyang kinaroroonan. Inaresto siya kasama si Roselyn Walohan sa isang food chain store kung saan nakunan siya ng panibagong bulto ng pinaghihinalaang shabu.

Tinatayang nasa P96-milyon ang halaga ng shabu na nakumpiska mula sa tatlo.

Sinabi ni Espenido na hindi pinilit o tinakot si Rabanes upang tumestigo at ituro kung sino ang namumuno ngayon sa Parojinog drug syndicate.

Si Mayor Reynaldo Parojinog Sr., ama ng vice mayor at sinasabing nagpapatakbo ng sindikato, ay napatay nang lusubin ng mga pulis ang kanyang bahay noong Hulyo.

Naniniwala si Espenido na may kinalaman ang vice mayor sa nasamsam na shabu at hinihintay na lamang na ikanta siya ng mga kaanak para madagdagan ang kasong hinaharap niya.