Ni Light Nolasco at Mary Ann Santiago
CABANATUAN CITY – Hindi isinasantabi ng pamunuan ng Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO) ang anggulo ng “mistaken identity” sa pamamaslang sa 72-anyos na si Fr. Marcelito "Tito" Paez nitong Lunes ng gabi, sa Sitio Sanggalan, Barangay Lambakin, Jaen, Nueva Ecija.
Ayon kay Senior Supt. Eliseo T. Tanding, NEPPO director, patuloy nilang kinakalap ang lahat ng impormasyon at nagsasagawa ng kaukulang validation.
Bumuo na rin si Tanding ng task force na kanyang pinamumunuan, at nakikipag-ugnayan kay Bishop Roberto Mallari ng Diocese ng San Jose City, Nueva Ecija.
Mariin namang kinokondena ni San Jose, Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari ang brutal na pagpatay sa pari, kasabay ng apela sa mga awtoridad na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa kaso para mabigyang hustisya ang pamamaslang kay Paez.
Naisugod pa ang pari sa Gonzales General Hospital sa Bgy. Diversion sa San Leonardo, pero nasawi rin ito sanhi ng siyam na tama ng bala sa katawan.
Nanawagan rin naman si Mallari sa mga mananampalataya na sama-samang manalangin upang mapabilis ang pagresolba sa krimen.
Si Paez, na coordinator ng Rural Missionaries of the Philippines sa Central Luzon, ay nagsilbi ng mahigit 30 taon sa kanyang diocese simula nang itatag ito noong 1984, at nagretiro noong 2015.
Kilala umano ito ang pari sa pagiging aktibo sa social justice advocacy, partikular na sa human rights issues na nakaaapekto sa mahihirap.