Ni FER TABOY

Nakasamsam ng sangkaterbang shabu na nagkakahalaga ng P32 milyon ang Ozamiz City Police Office (OCPO) mula sa umano’y mga kaanak ng pamilya Parojinog dalawang araw makaraang muling maging aktibo ang Philippine National Police (PNP) sa drug war ng gobyerno.

Naaresto ang dating driver ng nakadetineng si Ozamiz City Vice Mayor Nova Princess Parojinog na si Butch “Butchoy” Merino.

Ayon kay OCPO director Chief Insp. Jovie Espenido, nahuli nila si Merino matapos maharang sa checkpoint ang shabu na balak umano i-deliver sa mga lalawigan ng Lanao.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Napaulat na naaresto rin ang sinasabing supplier ni Merino na si Melden Rabarez, na napaulat na dinakip sa entrapment operation kasama ang isang Roselyn Walohan.

Inihayag ni Espenido na mismong ang bise alkalde umano ang nag-utos sa mga kaanak nito na ipuslit ang nasa P32-milyon halaga ng shabu.

Sa ngayon, iniimbestigahan rin daw nila ang iba pang mga indibidwal na idinawit ni Merino, na pawang kaanak umano ng mga Parojinog.